Mga responsibilidad sa kabila ng iba’t-ibang layunin ng social media.

Nicole Kazy Avila
6 min readFeb 7, 2021

--

Ang social media ay isang sistema na kung saan ay maaring makipag-ugnayan ang bawat tao, kung saan sila ay lumilikha, nagbabahagi at nakikipagpalitan ng impormasyon. Sa panahon natin, lalo na’t ngayong nasa gitna tayo ng pandemya, mas naging madalas pa ang paggamit natin sa social media. Hindi natin maikakaila na sa paggising pa lamang natin ay ang una na nating hinahanap ay ang ating mga cellphones para gumamit ng internet. Palagi nating tinitignan kung may mga bagong notifications ba, mapa-trabaho man yan, pag-aaral o para ba sa sarili. At hindi lang ang mga katulad nating kabataan ang natuto sa paggamit nito, pati na rin ang mga mas nakakatanda at mga bata sa ating pamilya ay naimpluwensiyahan na rin sa paggamit ng social media.

Source: https://dribbble.com/shots/5931248-Social-Integration-Animation

At ang paggamit naman ng iba’t-ibang social media ay maaaring may magandang maidulot sa atin at kung minsan din ay may masama. Lalo na sa mga katulad kong estudyante, dahil sa internet at social media, napapadali ang paghahanap ng impormasyon na kinakailangan para sa aming pag-aaral. Sa isang pindot mo lang ng “click” lalabas na ang iyong nais malaman o makita. Isa pang magandang dulot nito ay nakakabuo ang bawat isa ng komunikasyon, lalo na ngayong may pandemya na bihirang magkita-kita ang bawat isa sa atin. Ngunit isa sa negatibong dulot naman nito ay ang ibang estudyante ay kumukuha na lamang basta-basta ng kailangan nila, hindi na binabasa ang impormasyon dahil basta-basta na lamang nila kinokopya. Para bang tinuruan tayong maging tamad ng internet, dahil nga mabilis na lamang makita ang mga impormasyon. Hindi naman porke’t hindi na tayo nahihirapang maghanap ay sasamantalahin na natin ang pribilehiyong iyon. Isa pa rito ang mga paglaganap ng mga krimen katulad na lamang ng cyberbullying. Kaya’t sa tuwing gumagamit tayo ng social media huwag nating kakalimutan ang M-A-G-I-S-I-P.

Source: https://www.pinterest.ph/pin/724446290053817609/

Narito ang M-A-G-I-S-I-P, ang ilan sa mga paalala sa paggamit mo ng social media.

Maging responsable sa paggamit ng social media.

Source: https://www.upgrade100.com/updates/the-best-marcom-line-up-we-ever-had-big-brands-global-advertising-agencies-experts-in-digital-marketing-adtech-and-big-data-providers-gdpr-experts-and-more/

Sa paggamit ng social media kinakailangan tayong maging responsable. Ibig sabihin kailangan natin itong gamitin sa wasto’t tama at huwag itong aabusuhin. Kung ang bawat isa sa atin ay magiging responsable sa paggamit ng social media, maiiwasan natin ang bangayan, hindi pag-kakaintindihan, at mga siraan.

Alamin ang purpose kung bakit ka gumagamit ng social media.

Source: https://dribbble.com/shots/6513438-Social-Media-Addiction

Bakit ka nga ba gumagamit ng social media sa araw-araw? Ito ba ay dahil sa pakikipag-komunikasyon? O pampalipas oras mo lamang?. Maraming dahilan kung bakit ang mga tao ay parati na lamang gamit ang social media, “kinain na ng sistema” ika nga nila. Pero dapat pa rin natin malaman na ginagamit lamang ito sa mga tama at mabuting intensiyon. Katulad na lamang ng pagtulong, pagpapakalat ng impormasyon at pakikipagkaibigan. Hindi para makipag-away at makipag-bangayan sa kung sino mang tao.

Gamitin lamang ang share at comment button kung nasuri na ang babasahin.

Source: https://dribbble.com/shots/6123464-Share-Button-Micro-interaction

Hindi masama ang mag-share o mag-comment sa social media, nagiging masama lang ito kapag bigla-bigla ka na lang nagpapaniwala sa mga iyong nabasa. At mas magiging masama pa ito kapag dumagdag ka pa sa pagpapakalat ng mga ganitong uri ng impormasyon. Kaya’t bago natin pindutin ang share at comment button siguraduhing nasuri na natin ang ipapakalat nating impormasyon.

Iwasan ang pagpapakalat ng “fake news”.

Source: https://www.wsj.com/articles/detecting-fake-news-takes-time-11582212682

Ang dami na ngang nagpapakalat ng mga impormasyong hindi totoo, dadagdag ka pa ba? Siyempre hindi na diba? Kung may nakita o nabasa mang fake news, kung maari ay i-report na lamang para hindi na dumami ang mga taong maloloko o maniniwala sa mga ganitong uri ng impormasyon. Kaya kung maaari sa mga pinagkakatiwalaang pinagmulan na lamang ng impormasyon ang ating ipakalat. Sa ganoon, hindi na tayo mabibiktima ng tinatawag na “fake news”.

Suriin parati ang mga impormasyon na nakikita sa social media.

Source: https://giphy.com/explore/fact-checker

Dahil sa panahon ngayon na maraming tao na ang nagpapakalat ng mga maling impormasyon, responsibilidad mong basahin at suriin ang bawat nakikita mong artikulo. Para hindi ka basta-basta maniniwala sa mga maling impormasyong. At palaging tatandaan na hindi lahat ng nababasa mo sa internet ay tama, kaya’t kung maari ang mga impormasyon ay suriin.

Isipin lagi ang mga ipapakalat na balita at komento, tignan kung makakasakit ng kapwa .

Source: https://www.drawkit.io/

Ang social media ay hindi lamang ginawa para sa ating sarili, bagkus eto pa nga ay ginawa para magkaroon tayo ng mga kaibigan na kahit pa nasa malayo. Ngunit bakit ngayon ay puro na lang pagbabatuhan ng mga masasakit na salita para sa isa’t-isa? Mga paalitan ng kani-kanilang argumento na sa tingin nila sila ay palaging tama. Bakit hindi natin ipakalat ang pagiging positibo sa paggamit ng social media. Sa ganitong paraan ay maaari pa tayong makatulong sa pagpapaunlad ng kompiyansa nang isang tao. Malaya man tayo sa pagbibigay ng sarili nating opinion o komento, pero nararapat pa rin nating isa-alang-alang ang damdamin ng ating kapwa. “Think before you click” nga ika nila, kaya’t laging iisipin lahat ng ibabahaging mga post o komento para sa isang bagay.

Panatilihing pribado ang mga impormasyon tungkol sa iyong sarili.

Source: https://cairoscene.com/Geek/Is-Your-Private-Information-Safe-Google-Releases-Security-Report-For-Android

Sa social media, hindi lahat ng mga naipo-post mo ay pribado. Maari itong mabasa o makita ng kung sino-sino, kaya’t kung maari itago na lang ang ating mga mahahalagang impormasyon. Katulad na lamang ng eksaktong lugar kung saan ka nakatira, mga sensitibong larawan na dapat ikaw na lang ang nakakakita, at ang maging ang ating mga pananalita at paglalabas ng ating mga ekspresyon. Lalo na kung alam naman nating hindi maganda para sa ibang tao. Dahil malay natin na kung sa bandang huli ito pa ay maging sanhi ng ating pagsisisi.

Source: https://dribbble.com/shots/5698058-08-Social-Media-is-calling-me-again

Hindi nga natin maitatanggi na kinain na nga tayo ng social media, dahil napakarami at napakalaki pa ring bagay ang naitulong sa atin ng nito. Hindi siguro mapapadali ang mga bagay-bagay katulad na lamang ng komunikasyon at pananaliksik kung wala ito. Ngunit, bilang gumagamit ang halos lahat ng tao sa ngayon nito, nararapat nating gamitin ito sa tama dahil ayon ang ating responsibilidad sa paggamit nito. At nasa sa atin pa rin ang desisyon kung gagamitin natin ito ng tama. Maging responsable tayo sa bawat paggamit natin ng social media, para sa huli hindi tayo magsisi.

--

--

Responses (4)